naranasan mo na ba ang makatikim ng pagkain sa pag-aakalang ito ay matamis pagkatapos ay masuka-suka ka ng mapagtantong ito'y lasang di mabigyan ng karampatang depinisyon sa kadahilanang naluwa mo na agad bago pa man tumagal ito sa iyong bibig? naranasan mo na ba ang maghanap ng bagay na sadya namang malaki ngunit kahit maliwanag na e di mo mahanap-hanap lalo pa kapag kailangang-kailangan mo na? naranasan mo na ba ang makanood ng isang palabas sa sine na maganda naman ang effects pero nakakatulog ka sapagkat di mo naman maintindihan ang lengguwaheng gamit ng mga artista dahil hindi man lamang napagtanto ng mga nagpalabas nito dito na magka-iba ang wika natin sa kanila? naranasan mo na ba ang tumitig ng matagal sa kawalan at magulat ng malamang sa iyong pagkagising ay nasa matigas na kama ka na sa loob ng isang silid na puting-puti ang mga pintura ng dingding at may mga taong nakapaligid sa'yo na mga kapwa roomates mo? naranasan mo na ba ang mag-isip ng mag-isip na kunwari alam ang sagot sa isang mabigat na katanungan at nanakit ang mga binti sa matagal na pagkakatayo sa harap ng buo mong klase na nagpapasalamat sa iyo at pinapatagal mo ang oras ng inyong guro? naranasan mo na ba ang mag-stretching sa umaga at matuwa ng pumitik-pitik ang mga buto sa pag-aakalang mawawala na ang sakit sa likod mo pero nabalian ka pala at nadiretso sa ospital? naranasan mo na ba ang magbulag-bulagan sa loob ng sinsakyang dyip at tigilan ng walang pumapansin at tumutulong dahil nga naman ikaw ay nakasalamin na may grado at wala nga namang taong bulag na mangangailangan pa ng salaming may grado para tulungang makakita ang mga mata nilang wala naman talaga dapat nakikita? naranasan mo na ba ang sa tinding gutom tumanggap ng pagkain na akala mo ay pwedeng makain ngunit sa sobrang katigasan ay nabasag lamang ang iyong mga ngipin at dahil dito ay hindi ka na makakain pang muli ng maayos hangga't hindi pa natatapos ng dentista ang ipinagawa mong pustiso sa kanya?
e naranasan mo na ba ang mawalan ng ginagawa dahil sa dapat magpapa-print ka pero sira ang printer ng eskwelahan kaya napilitan ka na lang mag-internet tutal libre naman at nakagawa ka ng maraming katanungang nagmula sa isang kiamoy na nakain mo nung isang araw na hindi mo nagustuhan at sa mga bagay na bumabagabal sa iyo na hindi pa nasasagot dahil alam mo naman ay hinding-hindi sasagutin ng sinuman, anuman, kelanman?