Mar 20, 2005

yadnus

andito pa rin ako, nag-aantay sa mga lumipas na panahon. hindi na ata ako muli pang makakabangon mula sa mga alaalang dinulot mo. kaya kong magpakamanhid, itago ang tunay na nararamdaman...ang sakit sa tuwing makikita kang kasama sya. oo, nasasaktan ako. alam kong hindi ito tama, alam kong hindi ito dapat pero wla akong magawa kundi ang hayaan ang sariling magpakalunod sa pag-ibig na hinding hindi na muli pang magiging akin; magpakulong sa pag-ibig na ako mismo ay nasasakal. araw-araw na lang ay bumabalik sa aking isipan ang mga kahapong lumipas na ikaw ang aking kasama, ang aking kausap, ang aking kayakap. wala na ang mga sandali pang iyon. ang sama sa loob hindi dahil lumipas na sila ngunit dahil alam kong hindi na muli pang maibabalik ang ganoon. habang tumatagal, lalong ang ikot ng aking mundo ay bumabagal. kailan ba matatahimik ang kalooban kong ito? hindi na ba matatapos ang pasakit na dulot mo? hindi na ba ako muli pang makaaahon sa pagkalunod sa sarili kong mga luha? wala na ba talagang pag-asa para sa ating dalawa?



maraming beses ko nang sinubukan. maraming beses na akong nagpakatanga. ilang ulit mo man akong ipagtabuyan, ilang ulit mo man akong hindi bigyan ng kahit katiting na pansin, eto, andito pa rin ako at umaasa. at sa pag-asang ito ako natututong magmahal; magmahal ng walang limitasyon, magmahal ng tila wala nang darating pang bukas. ngunit kahit anong pagaalay ko pa ng sarili ang gawin ko, hinding hindi mangyayaring maibalik natin ang dati at magkasamang muli. hindi. wala. wala na.



pero bakit nga ba patuloy lang ako? lahat ng mga sinasabi ko hindi ko rin ginagawa sa huli? kinakain ko din ang aking mga salita? bakit?



sawang sawa na ako sa mga litanyang ito pero di ko matakasan ang sarili ko. hindi ko magawang pakawalan ang nararamdaman kong ito. kung ito nga ang sinasabi nilang pag-ibig, oo, naramdaman ko na ang sarap at sakit; ang pagkasaya at pagkalungkot matapos lamang ang isang saglit. wala na ba akong mahahanap na iba pa? bakit ba sa tuwing tumitingin ako sa iba, laging mukha mo lamang ang aking nakikita? laging boses mo lamang ang aking naririnig? hindi ko na alam ang dapat ko pang gawin. masyado nang maraming umaasa sa panahon para maghilom ng mga sugat, ayoko nang dumagdag pa. hindi ko maaaring ipaubaya sa oras ang paggaling ng mga sugat na dulot mo. kailangan na harapin ko ito, oo, pero hindi ko alam kung paano; hindi ko alam kung makakaya ko. pero kailangan kong subukan. ang paglimot lamang ang natatanging paraan para matapos na ang lahat ng kaguluhan tungkol sa aking mga nararamdaman.



tama na. hindi ko na nakikita pa ang sarili ko sa tuwing humaharap ako sa salamin. hindi na ako ang masayahing tao na nakilala niyo noon. isa na lamang akong taong nagtatago sa mismong ako. hindi ito tama, wala nang tama sa mga kilos ko, sa mga gawa ko. at sa tingin ko hindi na rin ata tamang nabubuhay pa ako habang ang ibang tao ay naghihingalo na dahil sa mas mahirap na buhay na kanilang pinapasan. tama, ititigil ko na ang lahat ng ito. at sa pagtigil kong ito, mamamaalam na rin ako.